Powered By Blogger

Sunday, December 12, 2010

SK FEDERATION PRES. GUEREN JON M. AMANTE GANAP NG MIYEMBRO NG SANGGUNIANG PANLUNSOD

San Pablo City – Pormal na nagpadala ng liham ang Officer-in-Charge  ng City Local Government Operations, Department of Interior and Local Government na si Gng. Marciana S. Brosas sa mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod para ipabatid na si G. Gueren Jon M. Amante ng Brgy. Sta. Maria Magdalena ang bagong halal na Presidente ng  Sangguniang Kabataan Federation.

            Matatandaan na isinagawa ang naturang halalan noong ika-3 ng Disyembre sa Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo Library kung saan si Amante ay nagtamo ng 78 na boto. Sa kabuuan ay mayroong 79 SK Chairman ang Lunsod sapagkat ang Brgy. VII-D ay walang halal na SK Chairman. Samantala, isa  sa mga bagong halal na SK Chairman ang hindi nagawang makaboto sa kadahilanang may pagsusulit ng araw na iyon.

            Malugod naman ang naging pagtanggap ng mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod sa pangunguna ni Vice Mayor Angie E. Yang sa unang araw ng pagdalo ni SK President GJ Amante. Nabigyan rin ang huli ng pagkakataon na makapagbigay ng isang maikling pananalita bago pa man ito sumabak sa mga gawain sa SP.

            Hindi naman naitago ang magkahalong kaba at excitement sa bagong halal na SK President ng tumayo ito sa harapan ng mga kasamahan. Ngunit sa kabila nito ay malinaw pa rin nitong naiparating sa lahat ang kaniyang kahandaan na makapaglingkod sa abot ng kaniyang kakayahan ng buong katapatan alang-alang sa kapakanan ng mga nagtiwalang mga kabataan ng Lunsod sa kaniya. Sa huli’y ipinangako ni SK President Amante na babalangkas ng mga batas na tunay na pakikinabangan ng kabataang San Pableno. (CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment