San Pablo City – Personal na nagpasalamat ang mga Barangay Nutrition Scholar Volunteers sa pangunguna ng tumatayong Pangulo ng grupo na si Bb. Jessielyn Alcaide sa mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod noong Disyembre 6 para sa karagdagang P300 sa kanilang Honorarium kada buwan.
Ipinaubaya naman ni Kon. Ed Dizon ang kaniyang privileged hour sa grupo upang maihayag ng mga ito ang kanilang taos pusong pasasalamat. Sang-ayon kay Bb. Alcaide ay labis ang kanilang kagalakan at pasasalamat sapagkat isang napakalaking tulong sa humigit kumulang na 100 BNS Volunteers ang P300 dagdag sa buwanan nilang natatanggap na honorarium.
Naghandog rin ang grupo ng mga pamaskong awitin sa mga miyembro ng SP na naging hudyat upang lalong maramdaman ang kapaskuhan sa bulwagan. Ayon sa mga BNS volunteers, ramdam na ramdam nila ang simoy ng kapaskuhan ngayong matatanggap na nila ang matagal na rin naman nilang kahilingan. Nangako naman ang mga miyembro ng SP na sisikapin nilang makapagpasang muli ng isang ordinansa sa darating na taon para sa panibagong P300 karagdagan sa kanilang honorarium na labis namang ikinagalak ng mga ito. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment