San Pablo City – Nakiisa ang Lunsod ng San Pablo sa paggunita ng World Aids Day na ipinagdiwang noong Disyembre 1. Bilang pakikiisa sa naturang pagdiriwang ay pinangunahan ng Social Hygiene Clinic, isang dibisyon ng City Health Office na pinamumunuan ni Dr. Job Brion at ng Local Aids Council ang lingguhang pagtataas ng watawat noong Disyembre 6 sa One Stop Processing Center.
Bilang Chairman ng Committee on Health and Sanitation ay nabigyan si Konsehal Rondel Diaz na makapag-ulat ng kasalukuyang kalagayan ng mga kaso ng HIV at AIDS sa bansa. Inamin nito na lubhang nakakaalarma ang patuloy na pagtaas ng kaso nito sa buong kapuluan kabilang na ang Region IV-A kung saan ay kalimitang biktima ng naturang sakit ay ang mga kalalakihan .
Ayon naman sa report buhat sa Department of Health noong taong 2001 hanggang 2005 ay nakapagtala ang ahensya ng 16 cases. Tumaas naman ito pagdating ng taong 2006 hanggang 2007 kung saan ay may 29 average cases na napatala ngunit ang lubhang nakakaalarma ay ang biglang paglobo ng kaso nito pagpasok ng taong 2009 kung saan ay 2 bagong kaso ang napapatala kada araw at ngayong September 2010 lamang ay 5 bagong kaso kada araw ang napapatala sa kanilang ahensya. Inaasahan rin na pagsapit ng kapaskuhan ngayong taon ay aabot sa 1,500 na bagong kaso ng HIV ang madadagdag sa kanilang talaan.
Bagamat hindi nakadalo sa lingguhang pagtataas ng watawat si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ay nagpaabot naman ito ng mensahe sa pamamagitan ng isang panayam. Pinaalalahanan nito ang lahat na huwag hayaang sirain ng sakit na HIV/AIDS ang mga pangarap sa buhay. Mataman nitong sinabi na maging maingat at responsable sa lahat ng bagay kabilang na rito ang pakikipagtalik. Siniguro rin nito na maasahan ang kanilang suporta ni Mayor Vicente B. Amante para sa CHO at sa Local Aids Council sa pagpapalaganap ng mga kaukulang impormasyon gayundin sa pagsasagawa ng mga local assessment upang maiwasan ang paglaganap ng naturang karamdaman lalo’t higit sa mga kabataan na kalimitang siyang nagiging biktima nito. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment