Powered By Blogger

Thursday, February 24, 2011

SANGGUNIANG PANGLUNSOD NAGPASALAMAT SA 10M PROJECT MULA SA PHILIPPINE TOURISM AUTHORITY


San Pablo City -  Nagpaabot ng pasasalamat ang mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod (SP) sa pangunguna ni Vice Mayor Angie Yang sa Philippine Tourism Authority sa ipinagkaloob nitong  10M worth of boardwalk project.

Sa isang resolusyon sa mosyon ni Konsehal Arnel Ticzon ay kanilang ipinaabot ang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat sa pamunuan ng PTA sa suporta nito sa turismo ng Lunsod. Ang Boardwalk na kasalukuyang nakatayo sa bukana ng Sampaloc Lake ay itinuturing ngayong isa sa pangunahing atraksyon ng naturang lawa bukod pa sa natural nitong ganda.

Layunin rin na malagyan ng extension o karugtong ang naturang boardwalk sa lalong ikagaganda nito at kapakinabangan hindi lamang ng mamamayan ng Lunsod kundi maging ng mga turista. Bunsod nito, isang kahiwalay na resolusyon ang ipinasa ng mga miyembro ng SP. Ang naturang resolusyon ay humihiling sa PTA na muling pagkalooban ang Lunsod ng kaparehong halaga ng proyekto para sa extension ng nasabing boardwalk.

Agad rin namang naipasa ang mga naturang resolusyon na ipinagpasalamat naman ng pamunuan ng San Pablo City Tourism Council sa pangunguna ni Gng. Lerma Prudente. Ikinatuwa rin ni City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang naturang inisyatibo ng mga miyembro ng SP na maiangat ang kalidad ng turismo sa Lunsod. Ayon pa rito, mahalaga na nagkakapareho ang ehekutibo at legislatibong sangay ng mga layunin patungkol sa pagsasaayos ng mga likas yaman ng Lunsod. (CIO-San Pablo)     

No comments:

Post a Comment