Powered By Blogger

Thursday, February 17, 2011

PAGPAPAREHISTRO, ISANG BASIC HUMAN RIGHT – SERQUENA

     San Pablo City – Bilang pagsunod sa Proclamation No. 682 na ipinalabas ni Pangulong Corazon C. Aquino noong 1991 ay pinagdiriwang ngayong buwan ng Pebrero  ang Civil Registration Month na may temang “Quality Civil Registartion in Support of National Development Goals.”

     Kaya magkatuwang na pinangunahan ng National Statistics Office-Laguna sa pangunguna ni Provincial Statistics Officer  Magdalena T. Serquena at Local Civil Registrar Benedicto D. Danila ang Pagtataas ng Watawat noong nakaraang Lunes, February 14, na nataon din sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.

     Ayon kay Bb. Serquena, isang napakahalagang aspeto sa buhay ng tao ang pagpapatala ng mga mahahalagang pangyayari o vital events tulad ng kapanganakan, kasal, kamatayan at iba pang mahahalagang pangyayari. Ipinaliwanag rin nito na ang pagpaparehistro ay isang basic human rights katulad ng nasasaad sa Article 7 ng Convention on the Rights of the Child kung saan ay malinaw na nakasaad na “ The child shall be registered immediately after birth and shall have the right from birth to a name and the right to acquire a nationality.”

     Idinagdag rin ng pinuno ng NSO na ang birth certificate ang siyang magpapatibay ng legal recognition ng isang tao at siyang isang mahalagang dokumentong ginagamit sa maraming transaksyon tulad ng sa pagpasok sa eskwelahan, pagkuha ng healthcare, passport at driver’s license, ginagamit rin ito kung nagnanais na lumahok sa isang eleksyon o di kaya’y sa pagboto. Diumano ay malaki ang role na ginagampanan ng pagpaparehistro sa national development goals sapagkat sa pamamagitan nito ay maaring gumawa ng isang maayos at konkretong plano at programa ang pamahalaan gamit ang etadistika mula sa civil registry documents.

     Samantala, pinasalamatan naman ni G. Benedicto Danila ang magkakatuwang na pamumuno nina Mayor Vicente B. Amante at Vice Mayor Angie E. Yang gayon din ni City Adminsitrator Loreto S. Amante sa suporta ng mga ito sa NSO at maging sa kanilang tanggapan dahilan upang mas lalong maging maayos at maganda ang kanilang pagbibigay serbisyo sa taumbayan. Ayon pa rito ay ilang programa ang kanilang ilulunsad ngayong buwan bilang pagtugon sa pagdiriwang tulad ng Kasalang Bayan, Mobile Registration, Free Issuances ng Civil Registry Documents at iba pa. Para sa mga karagdagang impormasyon at katanungan, maaaring tumawag sa mga numerong 562-2749 at 562-8119  at hanapin si G. Benedicto Danila. (CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment