Powered By Blogger

Thursday, February 24, 2011

PAGGAMIT NG PLASTIC BAGS AT STYROFOAM, IPAGBABAWAL NA

San Pablo City- Sa ginanap na regular meeting ng mga officers ng ENROLL o Environment and Natural Resources Officers League of Laguna kung saan naging host ang Pamahalaang Lunsod ng San Pablo ay inireport ng City Solid Waste and Mgt. Office sa pamumuno ni Engr. Ruel Dequito, na ipatutupad na ang Ord. 2009-14 kung saan ipagbabawal na sa lunsod ang paggamit ng plastic bag at styrofoam sa mga department stores, supermarkets at food chains. Pinag-usapan din sa nasabing meeting 10-year development plan ng bawat LGU ukol sa Solid Waste Management. Ang nasabing meeting na ginanap sa Malabanban Watershed nuong Pebrero 22 ng umaga ay dinaluhan ng mga ENRO officers mula sa iba’t-ibang LGU ng Laguna.
Ayon sa CSWMO simula Marso 1 hanggang Agosto ay dapat nang simulan ng mga establishments ang pagdi-dispose ng kanilang mga ginagamit na plastic bags at Styrofoam. Maaaring sa darating na Setyembre ay full implementation na ng nasabing ordinansa. Maaari lamang gumamit ng mga biodegrable o reusable bags tulad ng paper bags, bayong o mga bag na gawa sa katsa o yung mga eco-bag na ginagamit na sa ngayon sa mga malalaking departments stores at supermarkets. At maaari ring ipatupad na ang “Bring Your Own Bag Program” sa lunsod sa mga susunod na buwan.
Ang paglabag sa batas na ito ay may kaukulang penalties.  Sa mga business establishments tulad ng Small Stores na lalabag sa nasabing kautusan ang fines o penalties ay P1,000 (1st offense), P2,000 (2nd offense) at P3,000 at kulong na hindi hihigit sa 6 mos. o kanselasyon ng license to operate ng 1 taon.
Sa mga supermarkets/departments/malls at food chains naman ay P2,000 (1st offense), P3,500 (2nd offense) at P5,000 at kulong na hindi hihigit sa 6 mos. O kanselasyon ng license to operate ng 1 taon.
Lubos naman ang suporta nina Mayor Vicente Amante at City Admin. Loreto Amante sa programa sapagkat malaki ang maitutulong nito sa pangangalaga sa ating kapaligiran. Partikular na ang hindi pagbabara ng ating mga canal, creeks, rivers at iba pang waterways na nagiging dahilan ng mga pagbaha. (CIO-SPC)

TREE PLANTING AT FLAG RAISING CEREMONY ISINAGAWA NG SPC-PNP SA PAGGUNITA NG 25TH EDSA ANNIVERSARY

San Pablo City- Nagsagawa ng dalawang mahalagang activities ang SPC-PNP sa pamumuno nina P/Supt Leo Luna, P/Insp Rolando Libed at mga kapulisan upang gunitain at ipagdiwang ang 25th EDSA Revolution Anniversary nuong Pebrero 25.

Ayon kay P/Insp Libed una na nilang isinagawa ang pagtatanim ng may 100 narra seedlings sa Mt. Obabis sa Brgy. San Mateo nuong Pebrero 22. Naging kaagapay ng mga kapulisan ang mga barangay officials ng San Mateo sa pangunguna ni Brgy. Chairman Rodelo Arceo at kanyang mga barangay kagawad. Naging kaisa naman ang Pamahalaang Lunsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pananim na puno mula sa CENRO.

At upang lalong madama ang diwa ng EDSA, ang pagmamahal sa bayan at pagkakaisa tungo sa kalayaan ay nagsagawa rin sila ng isang symbolic activity sa pamamagitan ng Pagtataas ng Watawat sa harap ng Old Capitol Building. (CIO-SPC)

MAYOR VICENTE B. AMANTE HINILING NA MAIPATUPAD SA LUNSOD ANG MODEL SMOKE FREE ORDINANCE

MAYOR VICENTE B. AMANTE HINILING NA MAIPATUPAD SA LUNSOD ANG MODEL SMOKE FREE ORDINANCE
San Pablo City –Hiniling ni Mayor Vicente B. Amante sang-ayon na rin sa liham na ipinaabot ni Dr. Job D. Brion, pinuno ng City Health Office sa mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod na agarang bigyan ng kaukulang aksyon ang madaliang pag-amyenda  sa Ordinance No. 2004-08 kilala rin bilang “An Ordinance Regulating the Sale, Distribution and Use of Cigarettes and other Tobacco Products within the City of San Pablo”
            Ang kahilingan na amyendahan ang naturang ordinansa ay naglalayong makasunod sa  “Model Smoke Free Ordinance” na unang denivelop ng Department of Health. Layunin ng naturan na mahigpit na maipagbawal ang paninigarilyo sa lahat ng mga pampubliko at maging sa lahat ng mga working places sa Lunsod na siyang nakikitang solusyon upang mabawasan ang heart diseases morbidity rate na nakikitang may malaking koneksyon sa second hand smoking.
            Sang-ayon pa kay Dr. Brion, ang second hand smoking ay lubhang mapanganib sa mga nakatatanda, sa mga indibidwal na may mga cardiovascular disease, impaired respiratory function kabilang  na rito ang mga may asthma at may obstructive airway disease. Sinasabi rin na ang mga bata na exposed sa second hand smoking ay malaki ang tyansa na magkaroon ng sakit na asthma at respiratory infection. Maari rin itong maging dahilan ng sudden infant death syndrome, developmental abnormalities, at maging ng kinatatakutang kanser.
            Ayon naman kay City Adminsitrator Loreto “Amben” S. Amante ay lubos nilang ikatutuwa kung agad itong mapagtuunan ng pansin ng SP upang sa gayon ay maiimplementa na ito agad sa Lunsod. Sinabi pa nito na panahon na mabigyang proteksyon rin ang karapatan ng mga taong mas pinipili ang pagkakaroon ng “healthy lifestyle” lalo’t higit ngayong panahon na lubhang mahirap ang buhay at bawal ang magkasakit. Sa huli ay nagpaabot ito ng papuri sa pamunuan ng City Health Office sa inisyatibo nitong ipinamamalas upang bigyang pagpapahalaga ang kalusugan ng bawat mamamayan ng lunsod lalo’t higt ang mga kabataan. (CIO-San Pablo)

SANGGUNIANG PANGLUNSOD NAGPASALAMAT SA 10M PROJECT MULA SA PHILIPPINE TOURISM AUTHORITY


San Pablo City -  Nagpaabot ng pasasalamat ang mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod (SP) sa pangunguna ni Vice Mayor Angie Yang sa Philippine Tourism Authority sa ipinagkaloob nitong  10M worth of boardwalk project.

Sa isang resolusyon sa mosyon ni Konsehal Arnel Ticzon ay kanilang ipinaabot ang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat sa pamunuan ng PTA sa suporta nito sa turismo ng Lunsod. Ang Boardwalk na kasalukuyang nakatayo sa bukana ng Sampaloc Lake ay itinuturing ngayong isa sa pangunahing atraksyon ng naturang lawa bukod pa sa natural nitong ganda.

Layunin rin na malagyan ng extension o karugtong ang naturang boardwalk sa lalong ikagaganda nito at kapakinabangan hindi lamang ng mamamayan ng Lunsod kundi maging ng mga turista. Bunsod nito, isang kahiwalay na resolusyon ang ipinasa ng mga miyembro ng SP. Ang naturang resolusyon ay humihiling sa PTA na muling pagkalooban ang Lunsod ng kaparehong halaga ng proyekto para sa extension ng nasabing boardwalk.

Agad rin namang naipasa ang mga naturang resolusyon na ipinagpasalamat naman ng pamunuan ng San Pablo City Tourism Council sa pangunguna ni Gng. Lerma Prudente. Ikinatuwa rin ni City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang naturang inisyatibo ng mga miyembro ng SP na maiangat ang kalidad ng turismo sa Lunsod. Ayon pa rito, mahalaga na nagkakapareho ang ehekutibo at legislatibong sangay ng mga layunin patungkol sa pagsasaayos ng mga likas yaman ng Lunsod. (CIO-San Pablo)     

TOTAL TAXABLE ASSESSED VALUE NG MGA REAL PROPERTIES SA LUNSOD TUMAAS


San Pablo City – Tumaas sa kabuuang P3,606,685.450.00 ang halaga ng nakolektang taxable assessed value ng City Assessor’s Office para sa Lunsod ng San Pablo noong taong 2010 ayon sa ulat ng pinuno nitong si G. Celerino Barcenas noong February 21 sa isinagawang  lingguhang pagtataas ng watawat na pinamuan ng kanilang tanggapan.

            Ayon pa sa ulat, tinatayang nasa P196,030,760.00 halaga ang itinaas ng total taxable assessed value noong taong 2010 kumpara sa taong 2009 na may kabuuang nakolekta na P3,410,654,690.00. Sinabi pa ni Barcenas, na ang kanilang tanggapan ay kumpiyansa na sa pamamagitan ng masidhing dedikasyon at mahusay na pamamalakad ni Mayor Vicente B. Amante sa pamahalaang lokal ay lalo pang mapapalago ang kita ng Lunsod sa pamamagitan ng Real Estate Taxes.

Sa huli’y sinabi ng pinuno ng Tanggapn ng Assessor na ang patuloy na suporta at inspirasyong ipinagkakaloob ng Punonglunsod gayundin ni City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang siya ring pangunahing nagtutulak sa kanilang tanggapang upang lalong paghusayin ang kalidad ng admninistrasyon sa pagkolekta ng Real Property Tax. (CIO-San Pablo)