Powered By Blogger

Sunday, November 14, 2010

HOMETOWN JOURNALISTS’ RUBEN E. TANINGCO WAGI SA GAWAD GINTONG TAMBULI NG DOST

San Pablo City – Agad nagpahayag ng katuwaan at pagbati sina  Mayor Vicente B. Amante at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ng mabalitaang isa na namang karangalan mula sa Department of Science and Technology-Region IV ang nakatakdang iuwi ni G. Ruben E. Taningco bilang 2010 Outstanding Tambuli Awardee (1st Placer) sa pagdiriwang ng naturang ahensya ng ika-47 anibersaryo.

Si G. Taningco, kilala bilang isang Hometown Journalist, ay nakatakdang parangalan sa darating na November 18, 2010 sa S & T Center, Los Banos, Laguna. Matatandaan rin na una na itong nagawaran ng Gawad Gintong Tambuli bilang Lifetime Achievement Awardee noong taong 2000 sa pagdiriwang naman ng naturang ahensya ng  kanilang ika-tatlong dekada ng paglilingkod sa Timog Katalugan.

Ang walang sawa at boluntaryong pagtulong ni G. Taningco sa  larangan ng pagpapasigla ng siyensya at teknolohiya ay maaring ihalintulad sa isang tambuli na siyang ginamit na instrumento ng mga katutubo bilang siyang pantawag pansin sa mga kasamahan para sa dagliang tulong. Sa loob ng 32 taon ay hindi kayang tawaran ang ipinakitang malasakit ni G. Taningco sa pagsusulong ng technology transfer program sa pamamagitan ng kanyang pagsusulat sa mga pahayagang lokal na siyang naging basehan upang ito’y gawaran ng naturang parangal.

Ang Tambuli Media Awards ay ipinagkakaloob tuwing ika-limang taon simula noong taong 2000 ng Information Production and Dissemination Unit ng DOST CALABARZON Regional Office (IPDU-DOST IV-A). Ginagawaran nito ang mga karapat-dapat na miyembro ng Regional Science and Information Task Force Region IV-A, isang asosasyon ng mga media practitioners na nabuo sa pamamagitan ng IPDU-DOST-IV. Ang unang dalawang paggagawad ay ipinagkaloob noong taong 2000 at 2005 sa mga manunulat at mamahayag, kabilang ang mga publishers at radio stations bilang partner institutions. Ang mga naturan ay kinikilala dahilan sa kanilang naging ambag  sa pagpapakalat ng pangkalahatang  kaalaman o impormasyon sa mga programa at proyekto ng DOST IV-A na nagpapasigla at nagpapaunlad sa siyensya at teknolohiya.(CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment