Itininanghal na Provincial Champion si John Paul E. Balandan laban sa 30 katunggali sa Philippine Statistics Quiz (PSQ)-Provincial Elimination. Siya ay nasa unang taon ng kursong Bachelor of Science in Accountancy ng San Pablo Colleges. Nanalo rin ang kasama niyang si Bernadine F. Culaban bilang pangatlo sa PSQ.
Ang timpalak na ito ay ginanap noong ika-28 ng Oktubre 2010 sa Training Center ng Pedro Guevarra Memorial National High School (PGMNHS), Sta. Cruz, Laguna sa pangunguna ng NSO-Laguna.
Pumangalawa sa timpalak si Kurt Micheal F. Belen kumukuha ng Bachelor of Science in Electrical Engineering ng Laguna State Polytechnic University-San Pablo. Pang-apat si Ashley P. Brucal, Bachelor of Science in Computer Engineering ng STI College-San Pablo at si Richard D. Luangco, Bachelor in Secondary Education ng Laguna State Polytechnic University-Sta. Cruz.
Ang PSQ ay taunang patimpalak ng NSO at ng Philippine Statistical Association upang masubok ang kaalaman sa estadistika ng mga mag-aaral na nasa unang taon ng kolehiyo. Ito ay sinikap ng mga tagapagtaguyod ng PSQ upang makaambag sa pagpapaunlad ng manggagawa sa siyensa at teknolohiya sa pamamagitan ng pagtuklas at pangangalaga sa mga may talento sa larangan ng estadistika. Ang resulta ng patimpalak na ito ay magpapatunay kung gaano ka-epektibo ang pagtuturo ng estadistika bilang bahagi ng matematika sa high school.
Labimpitong kolehiyo at unibersidad ang sumali sa patimpalak na ito. Kabilang ang Malayan Colleges-Cabuyao, Laguna State Polytechnic University-Los Banos, STI College-Calamba City, Polytechnic University of the Phils.- City of Santa Rosa, Philippine Women’s University-Sta.Cruz, STI College-Sta. Cruz, University of Perpetual Help System Dalta-Calamba City, Southeast Asia Institute and of Science Technology- Cabuyao, Laguna College- San Pablo City, Colegio de San Juan de Letran-Calamba City, AMA Computer College-Sta. Cruz, Laguna State Polytechnic University-Siniloan at University of the Philippines-Los Banos..
Ang mga nanalo sa provincial elimination ay ginawaran ng cash prizes, tropeyo at sertipiko ng karangalan nina Provincial Statistics Officer (PSO) Magdalena T. Serquena ng NSO-Laguna kasama si PSO Charito C. Armonia at Mathematics Department Head Amor G. Gelvez ng PGMNHS bilang miyembro ng Board of Judges. Ang premyo ay ipinagkaloob ng provincial government sa pamumuno ni Governor Jeorge “ER” Ejercito at sa tulong ni G. Valentin P. Guidote at G. Ariel Penaranda ng Provincial Planning and Development Office. Ang limang nanalo ay makikipagtunggali naman sa PSQ-Regional Elimination sa Lipa City sa ika-23 ng Nobyembre 2010. Ang sinumang mananalo para sa national finals ay pagkakalooban ng halagang P25,000 para sa unang mananalo, P20,000 sa pangalawa, P15,000 sa pangatlo, P10,000 sa pang-apat at P5,000 at panglima. Pagkakalooban din ang kanilang coach ng kalahati sa halagang mapapanalunan sa bawat pwestong nabanggit. (NSO-Laguna)
No comments:
Post a Comment