San Pablo City – Muli na namang napagtipon nina Mayor Vicente B. Amante, Vice Mayor Angie E. Yang at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang mga tagahangang San Pableno ni People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao laban sa katunggali nitong si Antonio Margarito noong nakaraang Linggo, November 14 sa handog na libreng palabas sa Amante Gym, San Pablo Central School.
Humigit kumulang isang libong mga tagahanga ng “Pambansang Kamao” ang matiyagang naghintay na masaksihan ang laban nito sa mas matangkad na Mexicanong si Margarito. Tila naman napawi ang pagkainip ng mga ito nang sa wakas ay simulan na ang laban at sa unang round pa lamang ay magpakita na agad ito ng lupit at bangis sa loob ng ring.
Sa isang panayam kay City Administrator Amben ay sinabi nitong isang malaking kasiyahan para sa kanila ni Mayor Amante na nagagawa nilang mabigyan ng kasiyahan ang mga kababayang San Pableno bukod pa sa napagbibigkis nila ang mga ito. Ayon pa rito tila isang malakas na pwersa ang Pacquiao fever na nagagawang patigilin ang oras sa Lunsod na nagbunga naman ng zero crime rate at panandaliang pagkawala ng problema sa trapiko.
Lalo namang pinahanga ni Pacquiao ang mga tagahanga nito sa ipinakita nitong puso sa nakaraang laban kung saan ay tila ba nais na nitong ipatigil ang laban matapos makita kung gaano na kadehado ang katunggali bunga ng lakas ng mga kombinasyon ng mga suntok kasabay ng mabibilis na footwork nito. Sa isang panayam rito ay sinabi nitong lubha siyang nag-alala sa kalaban at nagpahayag na “boxing is not for killing people”. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment