Powered By Blogger

Sunday, November 21, 2010

GRAND OPENING NG ME & CITY SHOPPING MALL DINUMOG NG MGA MAMIMILI


San Pablo City – Daan daang mamimili ang dumumog sa kabubukas na Me & City Shopping Mall sa unang araw ng pagbubukas nito sa publiko noong nakaraang November 11. Bakas naman ang labis na kasiyahan kay Mayor Vicente B. Amante Ph.D. sa isinagawang pagpapasinaya rito na siyang pagpapatunay na patuloy ang pagsigla ng kalakalan sa Lunsod gayundin ang magandang relasyon sa pagitan ng pamahalaang lokal at  mga dayuhang mangangalakal.

            Ayon pa kay Mayor Amante, isang maganda at maagang papasko sa lahat ng mga mamimili ang pagkakaroon ng alternatibong bilihan ng mga mura at dekalidad  na mga produkto lalo ngayong nalalapit na ang araw ng kapaskuhan. Sa ipinakikitang sigla ng kalakalan sa Lunsod ay inaasahan rin na liliit ang unemployment rate ng Lunsod na siyang magandang indikasyon ng tuloy-tuloy at pangmatagalang  kaunlaran.

            Sinasabing ang ang Me & City Shopping Mall na pagmamay-ari ni G. Erick dela Cruz Tan ng Malinta, Valenzuela City ay ang maituturing na 168 ng Lunsod ng San Pablo. Matatagpuan ito sa second floor, Phase II ng SPC Shopping Mall and Public Market. Mayroon itong humigit kumulang 2001 sq.m. na kabuuang lawak at tinatayang  makakapag-akyat ng  halagang Php117,000.00 kada buwan sa kaban ng Lunsod  sa loob ng 20 taon. (CIO-San Pablo)

SEDAN MAGDIRIWANG NG KANILANG 11th ANNIVERSARY

San Pablo City – Nagpaabot ng pagbati sina Mayor Vicente B. Amante Ph.D. at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa pagdiriwang ng South East Digital Action Network o SEDAN  ng kanilang 11th  Anniversary noong  November 17.

            Sa isang panayam kay City Admin Amben ay sinabi nitong lubos ang kanilang pasasalamat ni Mayor Amante sa grupo sa walang sawa nitong pagtulong sa pamahalaang lokal sa iba’t ibang pagkakataon na kinakailangan nito ng mga taong makakatuwang upang magbigay ng assistance sa mamamayan. Matatandaan na makikitang nakikiisa ang mga ito tuwing mayroong Oplan Sumvac, Oplan Kaluluwa, Cocofestival at iba pang panahon na kinakailangan ang kanilang tulong at serbisyo.  

 Nagsimula ang samahan taong 1999 sa  layuning makapaglingkod at makapagserbisyo ng boluntaryo sa mamamayan sa mga pagkakataong may mga sakuna gayundin ang pagsasagawa ng mga proyektong makakatulong sa mamamayan tulad ng Oplan Kawanggawa kung saan ay nangangalap ang grupo ng mga donasyon mula sa mga taong may bukas na puso at siya naman nilang ipapamahagi sa mga kapos palad sa iba’t ibang barangay sa Lunsod.

Sa kasalukuyan ay mayroon ng 98 miyembro ang SEDAN na pinamumunuan ni G. Romeo G. Ramos bilang Pangulo at siyang Founder, G. Moises Pandanan- Pangalawang Pangulo, Bb. Lavinia Birung-Kalihim, G. Dominador Gatdula-Ingat Yaman, G. Paul Merana-Auditor, G. Nestor de Leon- Hepe ng Operasyon at G. Alvin Naguit- Deputy. (CIO-San Pablo)

FORUM FOR LOCAL EXECUTIVES ON ADMINISTRATIVE GOVERNANCE DINALUHAN NG MGA MIYEMBRO NG SANGUNIANG PANGLUNSOD

San Pablo City – Magkakasamang dumalo ang mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod sa pangunguna ni Vice Mayor Angie E. Yang sa isinagawang Forum for Local Executives on Administrative Governance (FLAG) ng Civil Service Commision Regional Office No. IV noong November 15 -17  sa Bayview Park Hotel.

            Pangunahing layunin ng FLAG ang makapagbigay ng iba’t ibang technical assistance sa mga Local Government Units. Naniniwala ang Civil Service na sa pamamagitan ng tamang kabatiran ukol  sa nagkakaisang implementasyon ng mga batas, patakaran at polisiya na naaayon sa civil service ay positibong magreresulta ng pagkakaroon ng isang maayos na pagsasakatuparan ng pang-araw araw na operasyon o tungkulin lalo’t higit patungkol sa human resource management.

Sa isang panayam kay 1st Termer Councilor Arnel Ticzon ay sinabi nitong inaasahan nila na magiging makabuluhan ang kanilang dadaluhang forum upang sa gayon ay mas lalo nilang mapaghusay ang paglilingkod sa bayan. Malaki ang paniwala nito na mahalagang matutunan ng bawat isa sa kanila ang mga wastong implementasyon ng batas sa pang-araw araw nilang tungkulin bilang mga halal na mambabatas ng bayan. (CIO-San Pablo)

CRIME RATE AT TRAPIKO SA LUNSOD NAWALA DAHIL SA LABANG PACQUIAO-MARGARITO


San Pablo City – Muli na namang napagtipon nina Mayor Vicente B. Amante, Vice Mayor Angie E. Yang at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang mga tagahangang San Pableno ni People’s Champ Manny “Pacman” Pacquiao laban sa katunggali nitong si Antonio Margarito noong nakaraang Linggo, November 14 sa handog na libreng palabas sa Amante Gym, San Pablo Central School.

            Humigit kumulang isang libong mga tagahanga ng “Pambansang Kamao” ang matiyagang naghintay na masaksihan ang laban nito sa mas matangkad  na Mexicanong si Margarito. Tila naman napawi ang pagkainip ng mga ito nang sa wakas ay simulan na ang laban at sa unang round pa lamang ay magpakita na agad ito ng lupit at bangis sa loob ng ring.

            Sa isang panayam kay City Administrator Amben ay sinabi nitong isang malaking kasiyahan para sa kanila ni Mayor Amante na nagagawa nilang mabigyan ng kasiyahan ang mga kababayang San Pableno bukod pa sa napagbibigkis nila ang mga ito. Ayon pa rito  tila isang malakas na pwersa ang Pacquiao fever na nagagawang patigilin ang oras sa Lunsod na nagbunga naman ng zero crime rate at panandaliang pagkawala ng problema sa trapiko.

Lalo namang pinahanga ni Pacquiao ang mga tagahanga nito sa ipinakita nitong puso sa nakaraang laban kung saan ay tila ba nais na nitong ipatigil ang laban matapos makita kung gaano na kadehado ang katunggali bunga ng lakas ng mga kombinasyon  ng mga suntok kasabay ng mabibilis na footwork nito. Sa isang panayam rito ay sinabi nitong lubha siyang nag-alala sa kalaban at nagpahayag na “boxing is not for killing people”.   (CIO-San Pablo)

FINALISTS NG MS.AT MR. COCO STAR AT MUNTING LAKAN AT MUTYA 2011, INIHAYAG NA


San Pablo City- Napili na ang mga finalists para sa gaganaping Search for Ms. and Mr. Coco Star 2011 at Munting Lakan at Mutya 2011 sa ginanap na screening nuong Nob. 13 at 14 sa One Stop Processing Center.

            Ang mga finalists sa Ms. Coco Star ay sina Christelle Tiquis (Concepcion), Roela Calderon (Sto. Cristo), Roxanne Arana (II-A), Sharalyn Lagurin (Santiago I), Ezra Faith Azarcon (Sta. Monica), Lea Marie Hernandez (Santiago II), Gladys Sulibit (Lamot II, Calauan), Rochelle Anggay (San Lucas II), Angelica Mae Marcelo (San Miguel), Judielyn Lois Rosete (Lakeside Park Subd.), Eleisha Myje Rosete (Lakeside Park Subd.) at Rea Mae Ilaw (San Gabriel).

            Ang mga napili naman sa Mr. Coco Star ay sina Franz Rodel Cabuhat (I-B), Kevin Angeles (Bagong Bayan), Elijah Eric Adajar (Canossa Lane), Christian Lois Rueda (I-B), John Renz Balanial (II-B), Ralph Jules Jain (San Lucas I), Bien Victor Ferrer (II-B) at Randolp Jersen Jain (San Lucas I).

            Sa ginanap naming screening sa Munting Mutya at Lakan ay napili sina Precious Dionella Ong (Sto. Cristo), Kristiana Xyrene Ramos (Sto. Angel), Jallie Yhan Lilac Mendoza (Villongco Subd.), Jullian Raya Gatchalian (Concepcion), Jane Irish Simeon (III-C), Darlyn Anupol (I-B), Clovina Martinez (IV-C), Audrey Wileken (Angeles Subd.), Jian Samantha Penaloza (San Cristobal), Kate Irish Villanueva (San Francisco), Shannel Carandang (San Anton), Joanna Mariel Manilay (City Subd.), Juliana Marguerette Anenias (Zulueta St.), Hailey Vanessa Mendoza (San Francisco) at Elkeana Julianne Alcantara (M. Paulino St.).

Sa Munting Lakan naman ay sina Kyle Rovic Evangelista (Sto. Angel), Erich Hernandez (Sta. Isabel), Lance Christian Encarnacion (San Marcos), Christian Morgan Dizon (San Jose), Keith Zhyrus Gacias (Sto. Nino), Lord Arche Devlin Castillo (IV-A), Julian Josher Amante (San Juan), Karl Christian Encarnacion (San Marcos), John Jethro Janolino (Sto. Nino), Zaccheus Arcangle Laguna (Dolores) at Gino Emmanuel Tuyay (M. Leonor St.)

Naging mga judges sa screening ng Coco Star sina  Coun. Arnel Ticzon; Brian Sadsad-Brand Mgr. , SM City SP; Susan Alcaraz-Owner, Palmeras Restaurant; Anton Gamilla-Mktng. Mgr., SM City SP at Evaristo Capuno, DepEd. Sa Muting Lakan at Mutya naman ay sina Coun. Arnel Ticzon, Dr. Ely Flores, DepEd; Prof. Larry Dizon, San Pablo Colleges; Lina Velasco at Nholie Pilapil, Laguna Designer Pres. (CIO-SPC)

Sunday, November 14, 2010

Estudyante ng San Pablo Colleges, Provincial Champion sa 19th Philippine Statistics Quiz


Itininanghal na Provincial Champion si John Paul E. Balandan laban sa 30 katunggali    sa Philippine Statistics Quiz (PSQ)-Provincial Elimination. Siya ay nasa unang taon ng kursong Bachelor of Science in Accountancy ng San Pablo Colleges. Nanalo rin ang kasama niyang si Bernadine F. Culaban bilang pangatlo sa PSQ.

 Ang timpalak na ito ay ginanap noong ika-28 ng Oktubre 2010 sa Training Center ng Pedro Guevarra Memorial National High School (PGMNHS), Sta. Cruz, Laguna sa pangunguna ng NSO-Laguna.

Pumangalawa sa timpalak si Kurt Micheal F. Belen kumukuha ng Bachelor of Science in Electrical Engineering ng Laguna State Polytechnic University-San Pablo. Pang-apat si Ashley P. Brucal, Bachelor of Science in Computer Engineering ng STI College-San Pablo at si Richard D. Luangco, Bachelor in Secondary Education ng Laguna State Polytechnic University-Sta. Cruz.

            Ang PSQ ay taunang patimpalak ng NSO at ng Philippine Statistical Association upang masubok ang kaalaman sa estadistika ng mga mag-aaral na nasa unang taon ng kolehiyo. Ito ay sinikap ng mga tagapagtaguyod ng PSQ upang makaambag sa pagpapaunlad ng manggagawa sa siyensa at teknolohiya sa pamamagitan ng pagtuklas at pangangalaga sa mga may talento sa larangan ng estadistika. Ang resulta ng patimpalak na ito ay magpapatunay kung gaano ka-epektibo ang pagtuturo ng estadistika bilang bahagi ng matematika sa high school.

Labimpitong kolehiyo at unibersidad ang sumali sa patimpalak na ito. Kabilang ang Malayan Colleges-Cabuyao, Laguna State Polytechnic University-Los Banos, STI College-Calamba City, Polytechnic University of  the Phils.- City of Santa Rosa, Philippine Women’s University-Sta.Cruz, STI College-Sta. Cruz, University of Perpetual Help System Dalta-Calamba City, Southeast Asia Institute and of Science  Technology- Cabuyao, Laguna College- San Pablo City, Colegio de San Juan de Letran-Calamba City, AMA Computer College-Sta. Cruz, Laguna State Polytechnic University-Siniloan at University of the Philippines-Los Banos..

Ang mga nanalo sa provincial elimination ay ginawaran ng cash prizes, tropeyo at sertipiko ng karangalan nina Provincial Statistics Officer (PSO) Magdalena T. Serquena ng NSO-Laguna kasama si PSO Charito C. Armonia at Mathematics Department Head Amor G. Gelvez ng PGMNHS bilang miyembro ng Board of Judges. Ang premyo ay ipinagkaloob ng provincial government sa pamumuno ni Governor Jeorge “ER” Ejercito at sa tulong ni G. Valentin P. Guidote at G. Ariel Penaranda ng Provincial Planning and Development Office. Ang limang nanalo ay makikipagtunggali naman sa PSQ-Regional Elimination sa Lipa City sa ika-23 ng Nobyembre 2010. Ang sinumang mananalo para sa national finals ay pagkakalooban ng halagang P25,000 para sa unang mananalo, P20,000 sa pangalawa, P15,000 sa pangatlo, P10,000 sa pang-apat  at P5,000 at panglima. Pagkakalooban din ang kanilang coach ng kalahati sa halagang mapapanalunan sa bawat pwestong nabanggit.  (NSO-Laguna)