Powered By Blogger

Wednesday, April 13, 2011

KONSEHAL ARNEL TICZON PINAPURIHAN SI CITY ADMINISTRATOR LORETO “AMBEN” S. AMANTE

San Pablo City – Sinamantala ni Konsehal Arnel Ticzon ang pagkakataon  na maihayag ang kaniyang labis na katuwaan sa panahon ng malayang pamamahayag nito sa isinigawang ika-41 regular session noong nakaraang Martes, April 12. Buong puso nitong inihayag ang labis na kasiyahan at pasasalamat kay City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa mabilis nitong pagtugon sa pangangailangan ng mga humihinging tulong na mga kababayang Overseas Contract Workers na nagkakaproblema sa ibang bansa.

            Sa mensahe nito ay pinapurihan nito ang administrador sa naging pagtugon nito sa kinakaharap na problema ng humigit kumulang 35 na mga repatriated OFW’s buhat sa bansang Libya kung saan ay naging personal pa ang ipinakitang pagdamay ng pamahalaang lokal sa mga ito. Gayundin, muling tumibay ang paghanga ng Konsehal sa ipinakikitang dedikasyon at malasakit ng Administrador dahilan sa muli nitong pagdamay sa isa pang San Pableñang OFW na  sa kasalukuyan ay nasa bansa pang Dubai at nakakulong roon. Ang nasabing San Pableña ay  biktima ng panggagahasa ng isang nagpanggap na Pakistani Police ngunit sa kasamaang palad ay siya pa ang nakulong.

            Napag-alaman rin buhat sa Konsehal na buhat ng pumutok ang balita sa isang programa sa telebisyon ay mabilis na ipinahanap ni City Admin. Amben ang pamilya ng nasabing San Pableña na itinago sa pangalang “Ana”   upang agarang makapag-abot ng tulong. Ayon pa sa Konsehal, kapuri-puri ang ipinakikitang malasakit ng administrador para sa mga kababayan kung kaya’t hiniling rin sa mga kasamahan sa Sangguniang Panglunsod na sila’y makapagsagawa ng isang pagpupulong upang mapagplanuhan kung ano ang kanilang magiging kontribusyon sa mga ganitong pagkakataon. Naniniwala ang Konsehal na sa pamamagitan nito ay mas magiging mahusay na kabalikat ng ehekutibong sangay ang Sangguniang Panglunsod.

            Sa huli ay nagpasa rin ang Konsehal ng isang resolusyon na nagpapaabot ng pasasalamat sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa ipinakita naman ng mga itong suporta at immediate assistance sa pamahalaang lokal ukol sa kaso ng mga nabanggit na kababayan. (CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment