San Pablo City – Ginawaran ng sertipikasyon ng parangal si G. Rogelio Pacia nina Konsehal Arnel Ticzon at Secretary to the Mayor Paul Michael Cuadra noong April 11 ng umaga sa One Stop Processing Center sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat base na rin sa rekomendasyon ng hepe ng Public Safety Assistance Force (PSAF) na si Col. Roberto P. Cuasay.
Si Pacia ang responsable sa pagkakahuli sa isang tricycle driver na reported suspect ng paglabag sa RA 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Napag-alaman na humingi ng kaukulang tulong si Brgy. Kagawad Eric Manalo ng Brgy. II-B sa tanggapan ng PSAF noong umaga Marso 14 upang agarang madakip ang driver ng isang tricycle na nangmolestya ng isang 10 taong gulang na babae buhat sa Brgy. San Gabriel na itinago sa pangalang Maria. Agad naman ipinakalat ang naturang mga impormasyon sa lahat ng mga kawani ng PSAF kung kaya’t ng araw ding iyon habang nag-momonitor ng trapiko si Pacia sa kahabaan ng Schetelig Ave. ay napansin nito ang isang tricycle na tumutugma sa inireport sa kanilang tanggapan na siyang naging hudyat upang madakip ang naturang suspek. Ang akusado ay agad ding inimbitahan sa tanggapan ng PSAF at kalauna’y isinuko sa mga alagad ng batas.
Nagpahayag naman ng katuwaan si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa ipinakitang pagiging alerto ng mga kawani ng PSAF na nagresulta upang agarang madakip ang suspek. Naniniwala si City Admin. na kung ang lahat ng mga itinalagang enforcers ay lagging handa at alerto ay lalong magagawa ng buong husay ang kani-kaniyang mga tungkulin sa taumbayan katulad ng ipinamalas ni Pacia. Sa huli’y hinimok nito na lalo pang pag-ibayuhin ng lahat ang pagsasaayos ng pagtupad sa tungkulin sa lahat ng panahon para sa mamamayan ng Lunsod. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment