San Pablo City – Hindi nag-atubili si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante na ipagamit ang PAMANA Covered Court noong nakaraang Miyerkules, March 30 sa pamunuan ng Philippine Deposit Insurance Corporation para sa isinagawa nitong open forum para sa mga depositor ng nagsarang Banco Filipino.
Dumagsa naman ang ilang daang mga nag-aalalang mga depositors ng naturang bangko sa pag-asang agad maibabalik ang kanilang mga pinaghirapang pera. Agad namang namigay ang PDIC ng mga Claim Form sa mga lehitimong depositors bago pa man napasimulan ang forum.
Ipinaliwanag naman ng PDIC na lahat ng may mga depositong limang daang libong piso pababa (Php 500,000.00) ay insured sa kanilang ahensya at kinakailangang magsumite ng claim. Samantalang ang mga may depositong sampung libong piso pababa (Php 10,000.00) ay hindi na kinakailangan pang magsumite ng claim at padadalhan na lamang ng tseke sa pamamagitan ng koreo o postal money order sa address na nakatala sa nagsarang bangko.
Isa- isa ring ibinigay ng PDIC ang mga kaukulang instrucstions sa wastong pagpa-file ng claims sa kanilang ahensya tulad ng pagpunan sa lahat ng mga entries sa ipinamigay na claim form. Ipinaalala rin ng ahensya na siguruhing napirmahan ng depositor/claimant ang patlang na “Signature of depositor/Claimant over printed name at ito’y tugma sa lagda sa bangko at mga isinumiteng ID sa PDIC. Kakailangan ring isumite ang orihinal na katibayan ng deposito tulad ng passbook para sa Savings Account, Certificate of Time deposit, pinakahuling bank statement at mga di nagamit na tseke para sa Current/Checking Account at ATM Card kung meron. Sasamahan ito ng orihinal at kopya ng 2 valid ID’s na may larawan at malinaw na pirma ng depositor o ng kanyang kinatawan tulad ng passport, SSS/GSIS ID, PRC ID, Senior Citizen ID, Driver’s License, TIN, o Voter’s ID/Registration.
Ang lahat ng mga hinihinging kaukulang requirements ay maaaring isumite sa kinatawan ng PDIC na nakatalaga sa nagsarang bangko o sa mga itinalagang lugar o di kaya’y magsadya sa opisina ng PDIC sa 4th Flr., SSS Bldg., Ayala Avenue corner V.A. Rufino St., Makati City. Nilinaw rin ng PDIC na matapos masuri ang mga claim at ang mga dokumentong kalakip nito ay maaaring humingi ang naturang ahensya ng mga karagdagang dokumento o requirements para makumpleto ang pagproseso ng mga claim. Maari ring tumawag para sa mga karagdagang impormasyon o katanungan sa numerong (02) 841-4630 hanggang 31.
Sa huli’y ipinaabot ng pamunuan ng PDIC ang taos pusong pasasalamat kina Mayor Vicente B. Amante at City Admin. Amben sa pagpapaunlak ng mga itong magamit ang isa sa pasilidad ng pamahalaang lokal na naging dahilan upang maging matagumpay ang isinagawang pagpupulong. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment