San Pablo City – Hindi natinag ng panaka-nakang pag-ulan ang lahat ng mga kawani, non-government organizations at ilang pribadong sektor na nagsidalo sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan 2011 na pinangunahan ng pamahalaang lokal ng San Pablo noong nakaraang Sabado, April 9 sa harap ng Bantayog ng mga Bayani sa Dona Leonila Park.
Sa mensahe ni dating Vice Mayor Palermo Banagale ay muli nitong sinariwa ang mga nagdaang panahon ng lahat ng mga beterano na nagsakripisyo’t nag-alay ng kani-kanilang buhay laban sa rehimeng Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig. Dahilan sa ipinakitang kadakilaan ng mga ito ay nararapat lamang na suklian ang mga ito ng kaukulang paggalang at pagmamahal lalo na ng mga kabataan.
Sinabi naman ni Vice Mayor Angie E. Yang ang kahalagahan na maiukit sa isipan ng mga kabataan na hindi lamang sa pagbubuwis ng buhay maipapakita ang kagitingan. Sa halip ang pag-aambag ng talino’kasipagan alang-alang sa kagalingan hindi lamang ng sarili kundi maging ng buong pamayanan. Ayon pa rito ang paggawa ng tama para sa ikagagaling ng buong pamayanan sa simpleng pamamaraan na siyang tunay na kahulugan ng selebrasyon ng Araw ng Kagitingan.
Sa pagtatapos ay nagsipag-alay ng bulaklak ang mga nagsidalo sa naturang pagdiriwang sa Bantayog ng mga Bayani bilang pagpapakita ng pagmamahal at paggalang sa lahat ng mga beteranong nagsipagbuwis ng kanilang mga buhay noong panahon ng ikalawang pandaigdigang digmaan. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment