San Pablo City – Puspusan ang paghahandang ginagawa ng pamahalaang lokal sa pamumuno ni Mayor Vicente B. Amante Ph.D. at City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa nalalapit na pagdiriwang ng 16th Cocofestival na magsisimula sa Enero 8, 2011.
Ayon sa Administrador bagamat mas malaki ang hamon na kanilang kinakaharap sa ngayon dahilan na rin sa pagkapanalo ng Cocofest nitong nakaraang Oktubre 2010 lamang ng “2010 Best Tourism Event in the Philippines, Festival Category, City Level” ay sinisiguro nito na mas magiging masaya, mas makulay at mas darayuhin pa ito ngayong taon.
Matatandaan na ang naturang award ay mula sa Search for the Best Tourism Event in the Philippines ng Association of Tourism Offices of the Philippines (ATOP) at Department of Tourism (DOT) sa isinagawang 11th ATOP National Convention sa Subic Bay Freeport, Zambales. Kung kaya’t aminado ang Adminsitrador na lalo silang ginaganahan na pag-ibayuhin pa ang pagpapaganda rito.
Samantala, bukod sa tinamong tagumpay ng Cocofest ay umani rin ng papuri buhat sa mga residente at turista ang magandang gayak ng City Plaza nitong nakaraang kapaskuhan. Ikinatuwa rin naman ni City Admin. Amben na marami ang kaniyang nasaksihang pamilya, magkakaibigan, at grupo ng mga turista ang tuwang nagpapakuha ng kanilang mga larawan sa harap ng mga dekorasyon bilang mga souvenir photos. Pinaaabot rin ni City Admin. Amben ang kanilang pasasalamat ni Mayor Amante sa lahat ng mga sumusuporta lalo’t higit sa Sangguniang Panglunsod sa pangunguna ni Vice Mayor Angie E. Yang na nanatiling kanilang kaagapay sa mga magaganda at makabuluhang mga proyekto. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment