San Pablo City – Isinusulong ngayon ng City Health Office sa pamumuno ni Dr. Job Brion ang Renal Disease Control Program (REDCOP) kung saan ay target nitong makapagbigay ng malawakang impormasyon, makapag-educate at maipabatid ang mga kaukulang hakbang upang maiwasan at makontrol ang pagdami ng mga nagkakasakit sa bato o kidney.
Ayon sa mga datos tinatayang 7,000 katao na ang nasasawi sa buong bansa kaugnay ng renal disease at pangsampu sa mga dahilan ng kamatayan sa bansa. Sa katunayan, sa Central Visayas ay umakyat ito sa ika-anim bilang isang killer disease.
Sang-ayon naman kay Bb. Filipina M. Catipon, Public Health Nurse II ng CHO, nakakaalarma ang patuloy na pagdami ng mga taong nagiging biktima ng naturang sakit. Kung kaya’t patuloy na nakikiisa ang kanilang tanggapan sa adbokasiya ng REDCOP. Layunin nilang maipalaganap ang tamang impormasyon at edukasyon upang maiwasan ang iba’t ibang kidney diseases. Malaki ang kanilang kumpiyansa na sa tamang edukasyon ay kayang mapababa ang porsyento ng tinatamaan nito.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng kanilang tanggapan ng mga trainings at seminars para sa mga kawani ng CHO at mga Barangay Health Workers na sila nilang makakatuwang sa pagpapalaganap ng wastong kaalaman hinggil dito para sa 80 barangay ng Lunsod. (JRC-CIO)