San Pablo City- Naging tugma ang mensahe ni Father Rico na “Celebration of Life, Celebration of a Mission” sa ginanap na Misa ng Pasasalamat nuong Setyembre 1 ng umaga na ginanap sa One Stop Processing Center para sa pagdiriwang ng ika-29 taong kaarawan ni City Admin. Loreto S. Amante.
Ang ginanap na misa ay bahagi ng isang makabuluhang pagdiriwang ng buhay na ibinigay sa butihing city administrator sa nakaraang dalawampu’t siyam na taon. At pagdiriwang na rin sa kanya pang gagampanang misyon para sa mga mamamayan ng Lunsod ng San Pablo.
Kaya isang simpleng selebrasyon sa pamamagitan ng mga makabuluhang programa at proyekto ang kanyang isinagawa na higit na makakatulong sa mga mamamayan.
Sinimulan niya ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan nuong Agosto 31 sa isang “Jolibee Party” para sa mga mag-aaral ng Atisan Elementary School at Medical at Dental Mission sa Brgy. del Remedio.
At sa pagpapatuloy ng kanyang misyon sa mismong araw ng kanyang kaarawan nuong Sept. 1 ay nagkaroon ng isang simpleng programa pagkatapos ng misa ng pasasalamat. Nagbigay ng kanya kanyang mensahe ang mga nagmamahal sa city administrator mula sa kanyang maybahay at mga pinuno ng city gov’t at national offices.
Nagkaroon rin ng turn-over ng P1.3M check mula sa DSWD Reg. IV-A sa pamamagitan ni Mrs. Priscilla Escalante, Provincial Nutritionist, para sa supplemental feeding ng may 2,200 Day Care Students ng lunsod. Isinagawa rin ang turn-over ng Poon ni San Pablo, Unang Ermitanyo sa mga fisherfolks ng Pandin Lake para sa gagawing Grotto sa nasabing lawa.
Bahagi rin ng programa ang isang video presentation na handog ng City Information Office para sa kaarawan ng masipag na administrador. Upang bigyang simbolo at lalo pang yumabong ang kanyang buhay ay nagsagawa naman siya ng Tree Planting ng mga narra seedlings sa Dona Leonila Park. Isang araw namang Blood Letting Activity ang isinagawa sa Pamana Hall upang makatulong sa mga maaaring mangangailangan ng dugo lalo’t higit sa panahong ito na laganap ang Dengue sa bansa.
Lubos naman ang pasasalamat ni City Admin. Amante sa lahat ng tumulong at nakiisa sa masaya at espesyal na araw na ito. Ayon sa kanya “kada Segundo, kada minuto” ay gusto niyang maraming natutulungan at siya ay nagsisimula pa lamang sa kanyang misyon sa buhay.
Pagkatapos ng mga programa ay naghandog naman ng isang simpleng salu-salo ang kanyang maybahay sa lahat ng dumalo at nakiisa sa isa na namang makabuluhang selebrasyon ng kaarawan ng City Administrator. (CIO-SPC)
No comments:
Post a Comment