Powered By Blogger

Thursday, September 15, 2011

MAHIGIT 4,000 PAMILYA NG LUNSOD NG SAN PABLO NABIGYAN NA NG LIBRENG PHILHEALTH CARD

San Pablo City- Ibinigay na  nuong Lunes, Sept. 12 sa One Stop Center sa  ilang pamilya at indibidwal na nakatira sa mga urban barangay ng lunsod ang kanilang libreng Philhealth Card sa pangunguna ni City Admin. Loreto Amante at ni Social Welfare Officer Grace Adap.

Ang nasabing pagbibigay ng philhealth card na programa ni Mayor Vicente Amante ay bahagi ng may 4,880 pamilya sa may 80 barangay ng  lunsod na nabiyayaan ng libreng healthcard na kanilang magagamit sa panahon ng kanilang pagkakasakit.

Ang mga nasabing healthcard ay binayaran na ng Pamahalaang Lunsod sa nalooban ng isang taon. Kaya’t ang mga indigent families ng lunsod na beneficiaries nito ay makakaasa na malaki ang maitutulong ng philhealth card na ito kung sila man ay magkakaroon ng karamdaman.

Naisagawa na rin ang pagbibigay ng iba pang healthcard sa iba’t-ibang barangay kung saan ang clustering of barangays ang isinagawa ng OSWD para sa madaliang distribusyon ng mga ito.

Inaasahan naman nina Mayor Vicente Amante at City Admin. Amben Amante na makakabawas sa malaking gastusin ng mga pamilya kung sila man ay magkakasakit at maco-confine sa isang hospital. (CIO-SPC)

MAHIGIT DALAWAMPUNG KASO SUMAILALIM SA PAGDINIG UKOL SA ANTI-RED TAPE ACT O ARTA

San Pablo City- May dalawampu’t dalawang kaso na inihain laban sa mga kawani ng Pamahalaang Lunsod ang dininig ng mga miyembro ng Anti-Red Tape Act o ARTA mula nang itatag ang Citizen’s Charter ng lunsod nuong 2009 batay na rin sa mandato ng Anti-Red Tape Law or  Anti-Red Tape Act of 2007 or Republic Act 9485 at  batay na rin sa Executive Order No. 02-2009.
Sa mga kaso at reklamo na inihain sa mga kawani kaugnay sa kanilang mga trabaho ay agarang dinidinig ng mga miyembro ng ARTA na kinabibilangan ng mga pinuno ng iba’t-ibang departamento ng Pamahalaang Lunsod. Ito ay isang patas na pagdinig kung saan ang nagrereklamo at inirereklamo ay parehong naglalahad ng kanilang mga paliwanag.

Sa mga kasong pinagpasyahan anim dito ang settled cases; dalawa ang dismissed; 2 ang referred sa Grievance Committee; anim ang reprimanded, isa ang detailed to other office at lima ang nabigyan ng suspension kung saan ang mga kawani ay may fine na one month leave without pay.

Sa mga reklamo namang walang kaugnayan sa trabaho o personal na reklamo, sampu ang dininig ng Grievance Committee. Kung saan isa ang elevated sa Civil Service; isa ang elevated to higher court; isa ang reprimanded at pito ang settled cases.

Ang RA 9485 ay naglalayong masugpo ang graft at corruption sa pamahalaan at mas mapaunlad at mapabilis ang pagbibigay ng serbisyo publiko. (CIO-SPC)

JOBS FAIR SA OCTOBER 21 HANDOG NG PAMAHALAANG LUNSOD NG SAN PABLO


San Pablo City-  Inaanyayahan ni City Admin. Loreto S. Amante at PESO Manager ang lahat ng applicants na magdala ng kanilang resume at recent picture para sa gaganapin malaking Jobs Fair sa lunsod  sa October 21, 2011 mula 8:00 n.u.-5:00 n.h sa PAMANA Hall, City Hall Cpd. para sa iba’t-ibang trabaho, local man o sa abroad.

Ang gaganaping jobs fair sa pakikipagtulungan ng DOLE Reg. IV-A ay handog nina Mayor Vicente Amante, Vice-Mayor Angie Yang at City Admin. Loreto Amante. (CIO-SPC)

40 STREETCHILDREN AT SOLVENT BOYS NI-ROUND UP NG SOCIAL WELFARE OFFICE


San Pablo City- May 40 streetchildren at solvent boys ang sumailalim sa round-up operation ng Office of the Social Welfare nuong nakaraang Sept. 8, 9 at 12 sa pangunguna ni Social Welfare Officer Grace Adap at kanyang mga tauhan na sina Edward Alcantara, Arvie Umali, Radison Caravana, Galileo Esguerra at Jerome Itoralba.

Hinuli ang mga nasabing kabataan edad 12 hanggang 25 na pagala-gala sa mga kalye ng M. Basa, M. Paulino, A. Bonifacio, Barleta at sa area ng Shopping Mall at Puregold upang mabigyan ng kaukulang assistance.

Lahat ng nahuli ay binigyan agad ng counseling at ang iba naman ay isinoli sa kanya-kanyang mga pamilya partikular na ang mga minor children. Lima naman dito na hindi na mga menor de edad ay tinulungang ipasok sa rehabilitation center sa Magdalena, Laguna.

Ayon sa OSWD ay regular na nilang isinasagawa ang ganitong proyekto subali’t marami pa rin ang nasasadlak sa ganitong sitwasyon. Napag-alaman din na hindi na solvent o rugby ang ginagamit ng mga kabataang ito kundi vulca-seal na ang ginagamit sa masamang bisyong ito.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ni City Admin. Loreto Amante sa Social Welfare Office para sa mga ganitong programa ng pamahalaan lalo’t higit para sa mga proyekto ukol sa proteksyon ng mga kabataan ng Lunsod ng San Pablo.  (CIO-SPC)

CITY ADMIN. LORETO S. AMANTE AGARANG TUMULONG SA MGA NASUNUGAN SA BRGYS. VII-E AT I-A

San Pablo City- Agarang nagpaabot ng tulong si City Admin. Loreto Amante sa mga biktima ng sunog sa Brgy. VII-E nuong nakaraang Sabado, Sept. 10. Naganap ang sunog bandang 9:30 n.u. na ang sanhi ay sumabog na LPG tank.

Agad na tumawag ang City Admin. sa Tanggapan ng Social Welfare at sa pangunguna ng hepe ng tanggapan na si Gng. Grace Adap at mga tauhan nito ay namigay agad ng mga bigas, canned goods at mga gamot. Lubos rin ang pagtulong ng mga barangay officials sa pamumuno ni Chairman Ronelio Mendoza at agarang humingi rin ng tulong kay Mayor Vicente Amante para sa hospital at medical assistance ng mga biktima.

Mabilisan rin ang pagpapadala sa siyam na nasugatan sa sunog na kinabibilangan ng 3 bata at 6 na matanda. Sa siyam na biktima ay dalawa ang nagtamo ng 4th degree burn sapagkat sila ang nakatira dun mismo sa bahay na natupok. Ang mag-amang Rey Dimayuga at anak na babae na si Mikee, 15 years old ay agad na isinugod sa Philippine General Hospital. Samantalang ang iba naman ay agarang dinala sa City Hospital para malapatan agad ng lunas.

Nagpaabot naman ng kanyang pasasalamat si City Admin. sa mga tumulong partikular na ang Red Cross na nagpakain ng lugaw, nagbigay ng first aid at tumulong rin sa pagbibigay ng mga used clothes.

Taos-puso rin ang kanyang pasasalamat sa Bureau of Fire at sa iba pang fire stations ng Alaminos, Rizal, Nagcarlan, Bay, Victoria, Batong Malake fire volunteer ng Los Banos at ang Fil-Chinese Fire Volunteer ng Lunsod ng San Pablo sa agarang pagresponde kaya naapula agad ang sunog.


Nasunog ang may tatlong kabahayan sa  Mercado Cpd. sa loob ng St. Joseph School sa Brgy. I-A bandang 1:30 n.h. Nadamay rin ang ilang katabing bahay na partial damage naman ang tinamo. Ayon sa Bureau of Fire ay faulty electrical wiring ang naging sanhi ng sunog. Nagbigay rin ng kaukulang assistance ang Pamahalaang Lunsod sa nasabing sunog. (CIO-SPC)