San Pablo City - Puspusan ang kampanyang ginagawa ng pamahalaang lokal sa pamumuno ni Mayor Vicente B. Amante Ph.D. sa mga pampubliko at mga pribadong paaralan sa buong Lunsod upang talakayin ang mga bagay ukol sa kalusugan, kalinisan at maging mga batas trapiko.
Magkakatuwang na pinasimulan ng tatlong tanggapan ng pamahalaang lokal sa pangunguna ng City Solid Waste Management Office na pinamumunuan ni Engr. Ruelito J. Dequito, City Health Office sa pamumuno ni Dr. Job Brion at City Traffic Management Office sa pamumuno naman ni Atty. Mia Quijano ang oryentasyon sa lahat ng mga eskwelahan na pinasimulan simula pa noong nakaraang buwan ng Hulyo.
Pangunahing layunin ng mga ito na mabigyan ng tamang impormasyon ang mga guro, mag-aaral maging ang magulang ukol sa isang ligtas, malinis at malusog na pamayanan. Masusing tinatalakay sa nasabing oryentasyon ang mga usapin ukol sa wastong pagtatapon ng basura, pag-iwas sa sakit na dengue fever, leptospirosis lalo’t higit tuwing panahon ng tag-ulan, at maging ang masamang epekto ng usok mula sa sigarilyo. Komprehensibo rin ang ginagawang pagtalakay ng CTMO ukol sa mga batas trapiko ng Lunsod upang makaiwas sa anumang sakuna o abala sa daan.
Kumpiyansa naman si Mayor Amante na sa pamamagitan ng nasabing oryentasyon ay mas magiging ligtas ang buong komunidad ng Lunsod sa iba’t ibang sakuna, karamdaman maging sa mga banta ng kalamidad kung kaya’t nagbigay ito ng direktiba na lalo pang paigtingin ang kampanya hindi lamang sa mga eskwelahan kundi maging sa mga civic organizations at iba’t ibang establisyemento sa buong Lunsod. (JRC-CIO)
No comments:
Post a Comment