San Pablo City – Masayang ibinalita ni City Administrator Loreto Amante sa isinagawang Pagtataas ng Watawat nuong Agosto 15 sa One Stop Processing Center, ang matagumpay na naging resulta ng kanilang isinagawang pagbisita kay Senator Francis “Kiko” Pangilinan.
Pangunahing pakay ng naturang pagbisita na isinagawa noong nakaraang Agosto 8 ay ang pagtalakay sa Senador ng 2 million worth of Cassava Production Project na bahagi ng Development Plan ng Lunsod sa aspetong agrikultural. Nakasama ni City Admin Amben sa pagbisita sina Konsehal Edgardo Adajar, SPC Business Development Officer Ernie Empemano, City Agriculturist Assistant Elmer A. Belen at CIO Staff.
Bunsod ng naturang proyekto ang isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng pamahalaang lokal, Visayas State University at ng Global Foods Corporation upang matulungan ang humigit kumulang na 100 magsasakang San Pableno mula sa 6 na piling Barangay gayundin sa kapakinabangan ng mga mangangalakal sa lunsod.
Kumpiyansa naman si City Administrator Amben na malaki ang potensyal ng Lunsod para maging isa sa pinakamasaganang pamayanan sa probinsya ng Laguna. Naniniwala ito na sa kabila ng pagiging highly urbanized ng Lunsod ay malawak pa rin ang mga lugar maging ang mga oportunidad rito para sa iba’t ibang uri ng produksyong pang-agrikultural. At sang-ayon sa mga isingawang pag-aaral sa lunsod ang cassava ay may malaki ring potensyal na makapagdala ng malaking kita para sa mga magsasaka ng lunsod.
Ipinangako naman ni Senator Kiko Pangilinan na gagawin nitong isa sa kaniyang mga pilot areas ang Lunsod ng San Pablo para sa kaniyang mga ipinatutupad na programang pang-agrikultural. Sa katunayan, nagbigay ito ng ilang mga suhestyon upang lalong mapaigting ang mga programa ng Lunsod sa pagsasaka katulad na lang ng paglalagay ng mga TRAM LINE sa halip na konstruksyon ng mga kalsada ang isagawa. Malaki diumano ang maitutulong ng TRAM LINE lalo’t higit sa mga magsasaka ng Brgy. San Cristobal upang mas mabilis na maiangkat ang kanilang produkto sa ibang lugar. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment