Powered By Blogger

Friday, August 12, 2011

DALAWANG SAN PABLEÑO PANALO BILANG BEST FEMALE AT MALE FIELD REPORTER SA COMGUILD AWARDS 2011

San Pablo City – Agad nagpaabot ng pagbati sina Mayor Vicente B. Amante at City Administrator Loreto Amante kina Bb. Marisol “Sol” Castillo Aragones at G. Rodrigo “Jiggy” Manicad na kapwa mga nahirang na Best Female at Male Field Reporter sa isinagawang Comguild Awards 2011 noong Agosto 7 sa AFP Theater, Camp Aguinaldo.
Sina  Aragones at Manicad ay pawang mga kilalang field reporter sa bansa at kapwa umani na ng mga parangal buhat sa iba’t ibang award giving bodies sa larangan ng pamamahayag.  Samantala, ang Comguild Awards ay isang patimpalak kung saan ay isinasagawa taun-taon upang bigyang pagkilala ang mga katangi-tanging kontribusyon ng mga piling mamamahayag ng bansa. Ang awards committee nito ay binubuo ng mga kinikilala at kapita-pitagang dekano at mga pinuno ng mga kilalang kolehiyo at unibersidad sa buong bansa. 
Si Aragones na buhat sa Brgy Concepcion, ay unang nagawaran ng pagkilala bilang Best Reporter noong 1996 at nabigyan ng nominasyon sa kapareho ring kategorya noong taong 2007. At ito ang unang pagkakataon na nabigyan pansin ang pambihirang kakayahan ni Aragones sa larangan ng pamamahayag ng Comguild Awards. At dahilan na rin sa mga natatanging kontribusyon ni Aragones sa Lunsod, binigyang pagkilala ito at nahirang bilang  Outstanding San Pableno noong taong 2010 para sa media category.
Si Manicad naman na nagmula  sa Brgy. San Francisco, Calihan ay isa sa nirerespeto at kinikilalang field reporter sa buong bansa. Taong 2004 nang ito ay parangalan ng prestihiyosong  British Chevening Scholarship Award. Noong 2006 naman nang si Manicad ay maparangalan bilang  Best TV Reporter ng University of the Philippines, Los Baños, nagwagi rin ito ng Silver Screen Award sa Director's Guild of America noong 2004 at ng sumunod na taon ang kanyang maikling dokumentaryong “Batang Hitman (Child Assassins)" ay kinilala sa mga prestihiyosong Asian TV Awards. Ang naturan ring dokumentaryo ang nagpapanalo sa huli sa Silver Screen Award sa 39th United States International Film and TV Festivals (USIFVF) ng pareho ring taon.
Ang istorya naman nito ukol sa Fuga Island: Ang Pagbabalik (The Return to Fuga Island) ay umani ng sertipiko sa Creative Excellence sa kategoryang Best Documentary ng USIFVF.  Taong 2006 naman ng ang programang Guinsaugon Special Episode, istorya ukol sa naganap na  landslide sa Southern Leyte, ay napili bilang finalist sa Monte Carlo Awards. At nito lamang taon, ang kaniyang istoryang “Gatilyo (Trigger)" ay muling nakatanggap ng  Certificate for Creative Excellence sa USIFVF Awards sa California, USA. Si Manicad ay 3 beses nang nahirang bilang Best Male Reporter buhat taong 2009  kung kaya’t isa na lamang ay tatanghalin na itong Hall of Famer. Taong 2009 naman ng mahirang si Manicad na Outstanding San Pableno para sa media category.
            Proud na proud naman si City Admin Amben sa patuloy na pag-uuwi ng mga karangalan ng dalawang kababayan. Ang dalawa ay parehong nagsumikap upang marating ang kasalukuyang estado at ngayo’y pawang mga tinitingalang field reporter ng kasalukuyang panahon sa buong bansa at tunay na kabilang sa mga pride ng Lunsod, ayon pa rito. Hiling nito na magsilbi ang mga itong inspirasyon sa lahat ng mga kabataang San Pableno upang magsumikap na kamtin ang hinahangad na tagumpay. (JRC-CIO)

No comments:

Post a Comment