Powered By Blogger

Sunday, May 15, 2011

SMOKE FREE ORDINANCE MASUSING TINATALAKAY

San Pablo City – Mataman ngayong tinatalakay sa Komitiba ng Sanitasyon at Kalusugan ang isang mungkahing ordinansa na naglalayong ipagbawal ang paggamit, pagbebenta, distribusyon at pag-aanunsyo ng sigarilyo at iba pang produktong tabako sa mga itinalagang lugar.

            Ang naturang Smoke Free Ordinance of the City of San Pablo ay naglalayong mabigyan ng proteksyon ang taumbayan sa masamang epekto sa kalusugan ng produktong tabako at maiangat ang antas ng karapatan sa kalusugan gayundin sa wastong kaalaman nito.

            Naniniwala ang komitiba na panahon na upang kumilos at maglatag ng naaangkop na polisiya ang pamahalaang lokal  upang ma-regulate ang paggamit at  pagbebebenta ng sigarilyo at ng iba pang produktong tabako sa Lunsod. Sa ganitong pamamaraan ay mabibigyang kasigaraduhan ang isang malusog na pamayanan at mapoprotektahan ang taumbayan laban sa masamang epekto nito sa kalusugan higit yaong mga non smokers.

            Ayon kay Konsehal Rondel Diaz, Chairman ng Komitiba, isang mahalagang aspeto rin na kanilang nakikita na mabibigyan pansin kung maipapasa ang naturang ordinansa ay mabibigyan din ng proteksyon ang mga kabataan laban sa maagang paninigarilyo sa pamamagitan ng pagbabawal sa pagbebebenta nito sa mga menor de edad. Sinabi rin nito na malaki ang maitutulong ng buong komunidad upang matagumpay itong maipatupad dito sa Lunsod. Naniniwala ito na gaano man kaganda ang layunin ng naturang mungkahi kung hindi naman ito pagkakaisahan ng lahat ay mananatili itong batas na hanggang papel lamang.

            Umapela naman ang mga representative na ipinadala sa naturang pagpupulong mula sa sektor ng tabako na sana’y isang patas na polisiya ukol sa pagtatakda ng mga lugar ng maaring magbenta ng kanilang mga produkto ang maipasa. Sinabi pa ng mga ito na malaki ang epekto ng nasabing mungkahing ordinansa sa sales ng kanilang mga produkto kung kaya’t tanging hiling nila ay maging makatwiran rin ang  ordinansa sa mga takdang lugar ng bentahan para na rin naman sa kagalingan ng kanilang mga consumers. Inamin rin ng mga ito na bagamat apektado sila ng naturang ordinansa ay suportado naman nila ito alang-alang na rin sa kapakinabangan ng nakararami.

            Umaasa naman ang Komitiba ng Sanitasyon at Kalusugan na matapos itong dumaan sa isang masusing pag-aaral at talakayan pagsapit ng deliberasyon sa Sangguniang Panglunsod ay agad rin itong maipasa para sa dagliang pagpapatupad rito. (CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment