Powered By Blogger

Sunday, May 15, 2011

SAN PABLO CITY TOURISM COUNCIL NAG-ULAT

San Pablo City – Pinamunuan ng San Pablo City Tourism Council sa pangunguna ng Presidente nitong si Gng. Lerma  Prudente ang Lingguhang Pagtataas ng Watawat noong nakaraang Lunes, ika-2 ng Mayo sa One Stop Processing Center.

            Buong pagmamalaking inihayag ni Gng. Prudente ang mga accomplishment ng Council kung saan ay kabilang sa mga naisagawa nila ay ang pagpapaganda sa  City Plaza sa tulong ng pamahalaang lokal at ng San Pablo City Water District. Sa kasalukuyan ay tuloy tuloy ang isinasagawang renobasyon rito upang lalong mailabas ang angkin nitong ganda. Isa rin sa kanilang pinagtutuunan ng pansin ang pagsasaayos ng Sampaloc Lake Complex kung saan ay nakikita nilang malaki ang potensyal ng naturang lawa upang maging isang world class tourist destination.

            Ayon pa kay Gng. Prudente kompiyansa siya at nagpapasalamat sa ipinakikitang  suporta ni Mayor Vicente B. Amante at ang mga rekomendasyon ng Council ay pinagtuunan nito ng pansin at binibigyang konsiderasyon. Inanunsyo rin nito ang  nalalapit na pormal na pagsasabukas sa publiko ng Museo ng San Pablo sa darating na buwan ng Hunyo kung saan ay matatagpuan sa 4th Floor  ng Old Capitol Building. Naniniwala si Prudente na ang ipinamamalas ng pagkakaisa ng mga haligi ng Lunsod at ng taumbayan ay ang siyang tunay na dapat ipagmalaki ng bawat San Pableno at siyang may malaking epekto kung kaya’t patuloy na dinarayo ng mga turista ang Lunsod.

            Samantala, isa rin sa mahalagang nabanggit niya ang kanilang pagkakabuo ng isang working group kung saan masusing pinag-aralan ang paglalagay ng kani-kaniyang tema sa bawat lawa ng Lunsod. Ang itinalagang tema para sa Sampalok Lake ay Boardwalk at Family Leisure, Spa & Relaxation kung saan mayroong bird sanctuary at butterfly farm naman para sa Pandin , Organic Farming naman ang temang nakatakdang i-develop sa Yambo, Campsite at Sports Activities naman sa Kalibato, fish village sa Palakpakin, handicraft sa Bunot at Orchidarium at Aquarium naman sa Muhikap.

            Layunin ng tema sa bawat lawa ang pagbibigay rito ng kani-kaniyang pagkakakilanlan upang bawat isa sa mga ito ay lumutang sa kani-kaniyang katangian base na rin sa natural nitong angking yaman at ganda.

            Pinuri naman at pinasalamatan ni City Administrator Loreto “Amben” S. Amante ang inisyatibo ng SPC Tourism Council  na maiangat ang antas ng turismo sa Lunsod. Kung kaya’t nanawagan rin ito sa lahat na suportahan ang naturang Council sa mga isinusulong  nitong magagandang proyekto sa lalo pang ikagaganda ng lunsod. Naniniwala ang administrador na  malaki ang potensyal ng Lunsod sa isang maunlad na eco-tourism kung bawat isang mamamayan ng Lunsod ay makikibahagi sa pagsasaayos ng mga programa patungkol sa kalinisan, kaayusan at katahimikan. Nangako rin ito na patuloy na gagawin ang buong kakayahan upang magtuloy-tuloy ang mga adhikaing inihain sa kanila ng council para na rin sa kapakinabangan ng bawat isang San Pableno lalo’t higit ng mga susunod na henerasyon. (CIO-San Pablo)


No comments:

Post a Comment