Powered By Blogger

Wednesday, April 13, 2011

KONSEHAL ARNEL TICZON PINAPURIHAN SI CITY ADMINISTRATOR LORETO “AMBEN” S. AMANTE

San Pablo City – Sinamantala ni Konsehal Arnel Ticzon ang pagkakataon  na maihayag ang kaniyang labis na katuwaan sa panahon ng malayang pamamahayag nito sa isinigawang ika-41 regular session noong nakaraang Martes, April 12. Buong puso nitong inihayag ang labis na kasiyahan at pasasalamat kay City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa mabilis nitong pagtugon sa pangangailangan ng mga humihinging tulong na mga kababayang Overseas Contract Workers na nagkakaproblema sa ibang bansa.

            Sa mensahe nito ay pinapurihan nito ang administrador sa naging pagtugon nito sa kinakaharap na problema ng humigit kumulang 35 na mga repatriated OFW’s buhat sa bansang Libya kung saan ay naging personal pa ang ipinakitang pagdamay ng pamahalaang lokal sa mga ito. Gayundin, muling tumibay ang paghanga ng Konsehal sa ipinakikitang dedikasyon at malasakit ng Administrador dahilan sa muli nitong pagdamay sa isa pang San Pableñang OFW na  sa kasalukuyan ay nasa bansa pang Dubai at nakakulong roon. Ang nasabing San Pableña ay  biktima ng panggagahasa ng isang nagpanggap na Pakistani Police ngunit sa kasamaang palad ay siya pa ang nakulong.

            Napag-alaman rin buhat sa Konsehal na buhat ng pumutok ang balita sa isang programa sa telebisyon ay mabilis na ipinahanap ni City Admin. Amben ang pamilya ng nasabing San Pableña na itinago sa pangalang “Ana”   upang agarang makapag-abot ng tulong. Ayon pa sa Konsehal, kapuri-puri ang ipinakikitang malasakit ng administrador para sa mga kababayan kung kaya’t hiniling rin sa mga kasamahan sa Sangguniang Panglunsod na sila’y makapagsagawa ng isang pagpupulong upang mapagplanuhan kung ano ang kanilang magiging kontribusyon sa mga ganitong pagkakataon. Naniniwala ang Konsehal na sa pamamagitan nito ay mas magiging mahusay na kabalikat ng ehekutibong sangay ang Sangguniang Panglunsod.

            Sa huli ay nagpasa rin ang Konsehal ng isang resolusyon na nagpapaabot ng pasasalamat sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa ipinakita naman ng mga itong suporta at immediate assistance sa pamahalaang lokal ukol sa kaso ng mga nabanggit na kababayan. (CIO-San Pablo)

ROGELIO PACIA NG PSAF PINARANGALAN

San Pablo City –       Ginawaran ng sertipikasyon ng parangal si G. Rogelio Pacia nina Konsehal Arnel Ticzon at Secretary to the Mayor Paul Michael Cuadra noong April 11  ng umaga sa One Stop Processing Center sa isinagawang Lingguhang Pagtataas ng Watawat base na rin sa rekomendasyon ng hepe ng Public Safety Assistance Force (PSAF) na si Col. Roberto P. Cuasay.

Si Pacia ang responsable sa pagkakahuli sa isang tricycle driver na reported suspect ng paglabag sa RA 7610 o Special Protection Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

                        Napag-alaman na humingi ng kaukulang tulong si Brgy. Kagawad Eric Manalo ng Brgy. II-B sa tanggapan ng PSAF noong umaga Marso 14 upang agarang madakip ang driver ng isang tricycle na nangmolestya ng isang 10 taong gulang na babae buhat sa Brgy. San Gabriel na itinago sa pangalang Maria. Agad naman ipinakalat ang naturang mga impormasyon sa lahat ng mga kawani ng PSAF kung kaya’t ng araw ding iyon habang nag-momonitor ng trapiko si Pacia sa kahabaan ng Schetelig Ave. ay napansin nito ang isang tricycle na tumutugma sa  inireport sa kanilang tanggapan na siyang naging hudyat upang madakip ang naturang suspek. Ang akusado ay agad ding inimbitahan sa tanggapan ng PSAF at kalauna’y isinuko sa mga alagad ng batas.

 Nagpahayag naman ng katuwaan si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante sa  ipinakitang pagiging alerto ng mga kawani ng PSAF na nagresulta upang agarang madakip ang suspek. Naniniwala si City Admin. na kung ang lahat ng mga itinalagang enforcers ay lagging handa at alerto ay  lalong magagawa ng buong husay ang kani-kaniyang mga tungkulin sa taumbayan katulad ng ipinamalas ni Pacia. Sa huli’y hinimok nito na lalo pang pag-ibayuhin ng lahat ang pagsasaayos ng pagtupad sa tungkulin sa lahat ng panahon para sa mamamayan ng Lunsod. (CIO-San Pablo)

ARAW NG KAGITINGAN 2011 GINUNITA

San Pablo City – Hindi natinag ng panaka-nakang pag-ulan ang lahat ng mga kawani, non-government organizations at ilang pribadong sektor na nagsidalo sa selebrasyon ng Araw ng Kagitingan 2011 na pinangunahan ng pamahalaang lokal ng San Pablo noong nakaraang Sabado, April 9 sa harap ng Bantayog ng mga Bayani sa  Dona Leonila Park.

            Sa mensahe ni dating Vice Mayor Palermo Banagale ay muli nitong sinariwa ang mga nagdaang panahon ng lahat ng mga beterano na nagsakripisyo’t nag-alay ng kani-kanilang buhay laban sa rehimeng Hapon noong ikalawang digmaang pandaigdig. Dahilan sa ipinakitang kadakilaan ng  mga ito ay nararapat lamang na suklian ang mga ito ng kaukulang paggalang at pagmamahal lalo na ng mga kabataan.

             Sinabi naman ni Vice Mayor Angie E. Yang ang kahalagahan na maiukit sa isipan ng mga kabataan na hindi lamang sa pagbubuwis ng buhay maipapakita ang kagitingan. Sa halip ang pag-aambag ng talino’kasipagan alang-alang sa kagalingan hindi lamang ng sarili kundi maging ng buong pamayanan. Ayon pa rito ang paggawa ng tama para sa ikagagaling ng buong pamayanan sa simpleng pamamaraan na  siyang tunay na  kahulugan ng selebrasyon ng Araw ng Kagitingan.

            Sa pagtatapos ay nagsipag-alay ng bulaklak ang mga nagsidalo sa naturang pagdiriwang sa Bantayog ng mga Bayani bilang pagpapakita ng  pagmamahal at paggalang sa lahat ng mga beteranong nagsipagbuwis ng kanilang mga buhay noong panahon ng ikalawang pandaigdigang digmaan. (CIO-San Pablo)

C/INSP JOSE GEMELO C. TAOL, BAGONG JAIL WARDEN

San Pablo City- Nagsimula na nuong Abril 5 bilang District Jail Warden ng San Pablo City District Jail si C/Insp Jose Gemelo C. Taol bilang kapalit ni dating Jail Warden, J/SInsp Arvin T. Abastillas na sa kasalukuyan ay nasa Imus, Cavite Municipal Jail.

            Sa panayam kay Warden Taol sa turn-over ceremony nuong Abril 5, na kanyang ipagpapatuloy ang mga magagandang programang nasimulan ni J/SInsp Abastillas. Kung hindi man daw niya malampasan ay mapantayan man lang niya ang mga proyektong naipatupad sa SPCDJ ng datingWarden. Pangunahin niyang isasagawa ang pagpapagawa ng additional cell para sa mga bilanggo at lalo pang palalaguin ang livelihood projects ng mga inmates para sa paper weaving at accessory (beads) making.

            Si C/Insp Taol ay nagtapos sa kolehiyo ng BS Criminology sa Divine Word University at Post-Graduate na BS Public Safety sa Philippine National Police Academy at Master in Management Major in Public Admin. sa Philippine Christian University.

            Sa pagiging jail warden sa loob ng pitong (7) taon ay marami ng karangalan ang kanyang natanggap. Isa na ito ang pagiging City Jail and Warden of the Year 2009 ng  BJMPRO -4A nuong siya ay nasa Santa Rosa City, Laguna simula May 2008 – April 20011. Nagsimula siyang jail warden sa Cardona, Rizal nuong June 2004 – Feb. 2006 pagkatapos ay sa Teresa, Rizal nuong Feb. 2006 – May 2008.

            Isinilang si C/Insp Tao sa   Alangalang, Leyte at ang kanyang maybahay na si Gng. Ulyzil Bondoc Taol ay isa ring jail officer. Mayroon silang apat (4) na anak at kasalukuyang naninirahan sa Carmona, Cavite. (CIO-SPC)

PUBLIC AT TOURIST ASSISTANCE CENTER BINUO PARA SA PROGRAMANG LAKBAY ALALAY (SUMVAC) 2011

San Pablo City-Inilunsad ng San Pablo City PNP ang programang Lakbay Alalay (SUMVAC) 2011 na pinangunahan ni P/Supt Ferdinand de Castro, Chief of Police ng lunsod, kasama sina DILG Officer Marciana Brosas, City Information Officer Leo Abril, Jr., Tourism Coordinator Donnalyn Eseo at mga representatives ng Supreme Tiger Force, Kabalikat Civic Com., PSAF, Red Cross, Bureau of Fire at mga Tourists Police,  sa isang simpleng palatuntunan nuong Abril 8 ng umaga sa harap ng PNP Station.

            Ayon kay P/Supt de Castro ang launching ay isinagawang sabay sabay sa lahat ng bayan ng Lalawigan ng Laguna upang maihanda ang mga kapulisan para sa isang ligtas at mapayapang summer vacation. Ayon pa sa hepe ng pulisya ay mayroon na silang security plan na tinawag nilang “Oplan Turista” kung saan maglalagay sila ng Public at Tourist Assistance Center sa may Welcome Arch ng Brgy. San Nicolas. Tatauhan ito ng kanilang tourist police kasama ang PSAF, radio groups, BPSO, Force Multipliers, BFP, City Health Office, Red Cross at Tourism Office. Dagdag pa niya na maglalagay rin ng Tourist Assistance Desk sa harap ng kanilang istasyon.

            Binigyang papuri naman ni Gng. Brosas, DILG Officer ang pagtutulungan ng Pamahalaang Lunsod sa pangunguna ni Mayor Vicente Amante, ng Kapulisan at mga non-government organizations sa pagtataguyod ng magandang programang ito na malaki ang maitutulong sa pag-unlad ng kalakalan at turismo ng lunsod.

            Ipinaabot naman ni Information Officer Leo Abril ang pasasalamat ni City Admin. Loreto Amante sa hanay ng kapulisan sa pamumuno na rin ni P/Insp Rolando Libed, sa paglulunsad ng Lakbay Alalay para sa assistance ng lahat ng commuters at mga turistang darayo sa Lunsod ng San Pablo. Dagdag pa nito na malaking tulong ang assistance desk lalo’t higit sa darating na Semana Santa kung saan daan daang turista ang nadayo sa lunsod partikular na ang araw ng Biyernes Santo. (CIO-SPC)