Powered By Blogger

Thursday, March 3, 2011

OPLAN SITA PINAIGTING NG PNP-SAN PABLO CITY


San Pablo City –Lalong pinaigting ng Philippine National Police –San Pablo City Station sa pamumuno ni P/Supt. Leonard L. Luna sa buong kalunsuran ang “Oplan Sita” na una nang pinasimulan noong nakaraang taon.

            Ayon kay Luna lahat ng mga bumibiyaheng motorsiklo sa buong Lunsod ay kanilang sinisita at hinihingan ng mga kaukulang dokumento. Ang mga walang maipakitang katunayan o dokumento ng pag-aari ay pansamantala nilang ini-impound at ire-release lamang sa oras na may maipakita na ang mga ito na papeles ng ownership.

Layunin ng naturang programa na maalis ang pangamba ng taumbayan sa lumalalang krimen na may kaugnayan sa mga nakasakay sa motorsiklo. Ayon pa kay P/Supt. Luna  karamihan sa mga krimen sa kasalukuyan ay nauugnay sa mga motorsiklo na pawang mga hindi nakarehistro at walang dokumento kung kaya’t madalas ay nakakaligtas ang mga ito sa kamay ng mga otoridad.

Binanggit din ni P/Supt. Luna na buhat Enero ng kasalukuyang taon hanggang nitong Pebrero ay umabot na sa kabuuang 545 na mga motorsiklo ang kanilang nakumpiska na pawang mga walang nailabas na dokumento. Siniguro naman ng hepe na oras makapaglabas ang mga ito ng kaukulang hinihinging dokumento ay agad rin nila itong ibabalik sa mga may-ari.

Bukod sa Oplan Sita ay ipinarating na rin at iminungkahi ng hepe sa mga Punong Barangay noong nakaraang Lunes, February 28 sa monthly meeting ng mga ito sa ABC Hall kung saan ay naimbitahan ito na magsagawa ang mga ito ng background check sa lahat ng mga tatanggapin para maging kawani sa kanilang barangay upang makatiyak na walang anumang masamang record ang mga ito bago pa man makapaglingkod sa publiko. Kaniya rin diumanong hiniling sa mga ito na papagsuotin lahat ng mga tanod ng uniporme kung sila ay on duty para na rin sa proper identification ng mga ito.

Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat at papuri si City Administrator Loreto “Amben” S. Amante kay P/Supt. Luna sa inisyatibo nitong mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa Lunsod. Ayon pa rito malaking bagay ang inilunsad ng pulisyang Opkan Sita upang tuluyang mapuksa ang mga krimen na kaugnay ng mga motorsiklo. (CIO-San Pablo)

No comments:

Post a Comment