San Pablo City- Mula Pebrero hanggang Marso 8 ay mayroon ng 1,603 aso sa iba’t-ibang barangay ng Lunsod ng San Pablo ang nabigyan ng libreng bakuna laban sa rabies. Ayon kay City Veterinarian Farah Jayne Orsolino puspusan ang kanilang kampanya laban sa nakakamatay na rabies sa tulong na rin ng City Health Office sa pamumuno ni Dr. Job Brion. Dagdag pa ni Dra. Orsolino na ito ay hindi dapat ipagwalang bahala sapagkat ito ay lubhang mapanganib.
Kaya patuloy ang City Veterinary Office sa kanilang kampanya laban sa rabies. Pangunahin na nga dito ang pagbibigay ng free vaccination sa mga aso sa iba’t-ibang barangay. Para sa libreng bakuna ay nakikipag-ugnayan ang mga Barangay Chairman upang ang kanilang barangay ay ma-iskedyul at mapuntahan ng mga tauhan ng City Veterinary Office.
Noong Pebrero ay may 1,342 aso ang kanilang nabakunahan sa Barangays Del Remedio, Bagong Bayan, Sto. Cristo, Sta. Maria Magdalena, Sto. Angel, San Crispin, II-B at ang iba naman ay walk-in. Mula Marso 1-8 naman ay nakapagbakuna sila ng 261 aso mula sa Barangays Del Remedio, IV-A, Sta. Filomena at III-C. Ang iba pang barangay na naka-iskedyul ay ang Dolores (Mar. 9), IV-B (Mar. 11), San Gabriel (Mar. 15), San Ignacio (Mar. 16-18), San Isidro (Mar. 22) at V-A (Mar. 23).
Ayon pa rin kay Dra. Orsolino ang proyektong ito ay kaugnay na rin ng paggunita ng Rabies Awareness Month ngayong Marso. Kasabay na rin sa pagbabakuna ng aso ang deworming ng mga baka, kalabaw at kambing. Nananawagan rin siya sa iba pang Barangay Chairman na magtungo lamang sa kanilang tanggapan para sa kaukulang iskedyul ng libreng bakuna sa kanilang barangay. (CIO-SPC)
No comments:
Post a Comment