San Pablo City – Dumalo sa 3 araw na Integrated Sangguniang Kabataan Organization, Leadership and Reorientation Program – Basic Orientation Seminar (ISKOLAR-BOS) ang mga opisyal ng Sangguniang Kabataan Federation sa pangunguna ni SK President Gueren Jon M. Amante sa Caliraya, Recreation Center, Brgy. Lewin, Lumban Laguna noong nakaraang May 23 hanggang 25.
Dahilan na rin sa kinikilala ang kontribusyon ng mga kabataan sa pagbuo ng isang matatag na lipunan ay matamang sinanay ang mga SK officials sa naturang ISKOLAR-BOS upang higit pang pag-ibayuhin ang potensyal ng mga ito sa paglilingkuran at pamumuno.
Ikinatuwa naman ni SK President GJ Amante na nabigyan sila ng pagkakataon na makadalo sa mga pagsasanay tulad ng nabanggit sapagkat naniniwala ito na sa pamamagitan ng isang komprehensibong programa gamit ang iisang pamamaraan at may malinaw na itinalagang mithiin ay lalo pang mapapalawig ang kanilang mga kakayahan at tungkulin bilang mga youth representatives.
Sinabi pa nito na sa lawak ng katungkulan at hamon na nakaatang sa kanilang mga balikat bilang siyang mga susunod na mga pinuno ng bansa ay makakaasa ang taumbayan na gagawin nila ang kanilang buong kakayahan upang sa lagi na ay maging kapaki-pakinabang at maging totoo sa kanilang mga sinumpaang tungkulin. (CIO-San Pablo)
No comments:
Post a Comment