San Pablo City – Nakaabot sa kabatiran ng mga miyembro ng Sangguniang Panglunsod sa pamamagitan ng isang liham kay Vice Mayor Angie Yang buhat kay G. Flor David ang isang mahalagang panukalang ipagbawal ang paggamit ng helmet sa city proper mula sa kahilingan sa sektor ng media.
Agad namang ipinasa sa Committee on Police, Fire, Penology, Public Safety and Order at sa Committee on Energy, Transportation and Telecommunications ang kahilingan na mapag-aralan ang isang panukala na huwag pagamitin ng helmet o takip sa mukha ang lahat ng mga nakamotor sa tuwing sasapit sa bisinidad ng city proper. Magkaroon ng limitasyon sa takbo ng mga motor sa city proper kung saan ay hanggang 30 km/hr. lamang ang tulin at sa highway lamang gagamit ng helmet sapagkat lubhang peligroso ito bilang pook lakbayan.
Binase ang naturang suhestyon sa mga nakukuhang report buhat sa pulisya na karamihan sa mga krimeng naisagawa sa Lunsod ay may involved na mga nakamotorsiklong kalimitan ay may angkas o yung kilala rin bilang motorcycle in tandem na pawang mga hindi nakuha ang identity dahilan na rin sa nakahelmet o di kaya’y may taklob ang mukha. Napag-alaman rin na karamihan sa mga motor na ito ay walang plaka at hindi rehistrado. (CIO-San Pablo)