San Pablo City- Bilang pakikiisa ng lunsod sa kampanya ng Dept. of Health na “Aksyon Paputok Injury Reduction” (APIR), nanawagan si City Admin. Loreto Amben sa lahat ng mamamayan ng Lunsod ng San Pablo na umiwas sa disgrasya ukol sa paggamit ng paputok ngayong darating na Pasko lalo’t higit sa darating na Bagong Taon.
Kaya nagbigay ng ilang paalala at panawagan si City Admin. ukol sa paggamit ng paputok. Upang makaiwas sa disgrasya lumayo sa mga taong nagpapaputok, huwag pulutin ang mga hindi sumabog na paputok at kung hindi naman naiwasan at naputukan magpagamot agad sa pinakamalapit na ospital.
Dagdag pa niya na mayroon namang ibang paraan upang masigurong ligtas ang pagdiriwang ng Bagong Taon tulad ng paggamit ng torotot, busina, musika, lata at iba pang bagay na makakalikha ng ingay. Maaari rin namang makisaya at lumahok na lang sa mga street party, concert at palaro.
Sinigurado naman niya na sa darating na Dec. 29-31 kung kelan ang bentahan ng mga paputok sa may Regidor St., ay nakabantay ang mga tauhan ng Bureau of Fire, PNP at ambulansya ng City Health Office upang maging handa sa anumang disgrasya maaaring maganap.
Paalala rin niya na sana ay matuto na ang lahat sa mga naging disgrasya sanhi ng paputok nuong nakaraan taon. Sa halip ay magsama-sama at magkaisa ang lahat ng mamamayan ng lunsod upang masimulan ng maayos, masagana at ligtas na bagong taon. (CIO-SPC)
No comments:
Post a Comment