Powered By Blogger

Friday, October 29, 2010

NBI-SPC SATELLITE OFFICE NAKAPAG-ISSUE NG MAHIGIT KUMULANG 250,000 NBI CLEARANCE


San Pablo City -  Lubos ang pasasalamat hindi lamang ng mga San Pableno kundi maging ng mga mamamayan mula sa mga karatig bayan sa mga proyektong naisagawa ni Mayor Vicente B. Amante Ph.D. na pawang makabuluhan at tunay na nakakapag-abot ng tulong  lalo’t higit sa mga mahihirap.

            Sa isang panayam sa isang kumukuha ng clearance sa National Bureau of Investigation-San Pablo City Satellite Office na ayaw magpabanggit ng pangalan, ay sinabi nitong napakalaking tulong  para sa kanilang may kakarampot ng budget ang pagkakaroon ng satellite office ng naturang ahensya dito sa lunsod. Sapagkat hindi na nila kinakailangan pang dumayo pa sa ibang bayan para makakuha ng clearance na kalimitang hinihinging requirement sa pag-aaplay ng trabaho lokal man o sa ibang bansa.

            Base sa talaan ng NBI –SPC Satellite Office mula ng ito’y ganap na mag-operate sa Lunsod noong 2004 hanggang sa kasalukuyan ay tinatayang humigit kumulang na 251,472 na ang kanilang naisyuhan ng mga clearance para sa abroad at local travel/employment. Ipinaabot naman ni Bb. Lily D. Tandoc OIC ng tanggapan, ang kanilang papuri at pasasalamat sa Punonglunsod na walang sawang sumusuporta sa kanilang tanggapan. Kung kaya’t ginarintayahan naman nito na patuloy silang aagapay sa taumbayan na nangangaailangan ng kanilang serbisyo.

            Ang kahanga-hangang pagsasabuhay ni Mayor Amante ng dakila nitong adhikain  na makapagbigay ng serbisyong de kalidad sa taumbayan ay ang isa sa tunay na hinahangaan ng karamihang San Pableno kung kaya’t hindi maitatwa ang pagmamahal ng taumbayan sa Punonglunsod. Patunay sa nabanggit ay ang patuloy na pagtangkilik dito ng mamamayan sa pamamagitan ng pagluluklok sa kanya sa ika-anim na pagkakataon. Inaasahan din na bago magtapos ang termino nito ay marami pang mga makabuluhang proyekto ang isasakatuparan upang mapaginhawa ang buhay ng bawat mamamayan ng Lunsod ng San Pablo.

No comments:

Post a Comment